Pagkakasangkot ng mga barko na lumubog at sumadsad sa Bataan sa oil smuggling, iniimbestigahan na ng PCG

Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na iniimbestigahan na ang tatlong barko na responsable sa oil spill sa Bataan.

Bukod sa paglubog ng dalawa at pagkakasadsad ng isa, nais din matukoy ng PCG kung sangkot sila sa oil smuggling o “paihi” sa ibang barko habang nasa dagat.

Ayon kay PCG National Capital Region (NCR)-Central Luzon spokesperson Lieutenant Commander Michael John Encina, inaalam na ng kanilang investigating team ang totoong dahilan kung bakit nasa karagatan ng Bataan ang lumubog na MT Terranova, MTKR Jason Bradley at ang sumadsad na MV Mirola.


Nabatid sa ginagawang paihi, ang langis mula sa malaking barko ay ililipat sa mas maliit na sasakyang-dagat sa karagatan upang maiwasan ang pagbabayad ng buwis.

Sinabi ni Encina na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa ibang ahensya para tulungan sila at kapag may resulta na ay kanilang ipakikita saka ilalabas upang maging transparent kung ano talaga ang naging dahilan.

Facebook Comments