Naglabas na ng pahayag si dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot siya sa nakitang iregularidad ng Commission on Audit (COA).
Ayon kay Roxas, palusot lamang ang lahat ng sinabi ng pangulo na layong mailipat ang atensiyon ng publiko sa pagsagot sa ilang katanungan.
Nabatid na sa Talk to the Nation ng Pangulo nitong gabi ng Martes ay tinukoy nito si Roxas na may kinalaman sa P7 billion halaga ng fund transfers, na ginamit sa ilang proyekto sa ilalim ng pamumuno nito noong December 31, 2014.
Kasama rin sa pinagbintangan ang nakakulong na si Senator Leila de Lima na umano’y sangkot naman sa P617.44 million unliquidated cash advance noong 2013 nakita ng COA.
Sa ngayon, wala pang pahayag si De Lima kaugnay rito.