Pagkakasangkot umano ni Aguirre at Esperon sa illegal gambling, pinaiimbestigahan ni Senator De Lima

Manila, Philippines – Pinaiimbestigahan ni Senator Leila M. De Lima sa Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation ang pagkakasangkot ng ilang cabinet officials at dating mataas na opisyal ng militar sa illegal gambling.

Sa Senate Resolution number 359 ay tinukoy ni De Lima na sangkot umano sa operasyon iligal na sugal sina Justice Secretary Vitaliano Aguirre at National Security Adviser Hermogenes Esperon.

Basehan ng imbestigasyon, ayon kay De Lima ang rebelasyon ni gambling tycoon Charlie “Atong” Ang na pinaplano umano nina Aguirre at Esperon na mabura siya sa operasyon ng STL o Small Town Lottery sa ilang lalawigan sa bansa.


Alegasyon pa ni Ang, si Aguirre, katuwang ang kanyang kapatid na si Engineer Ogie Aguirre, ay may kamay sa operasyon ng STL sa Southern Luzon provinces, kabilang ang Laguna, Batangas at Bicol provinces.
Habang si Esperon naman umano, katuwang ang ilang high military officials, ang may kontrol ng STL operations sa northern part of Luzon, kabilang ang Pangasinan.

Binigyang diin ni De Lima na mahalagang maisagawa ang imbestigasyon sa nabanggit na mga government officials sa lalong madaling panahon para maprotektahan ang integridad at tiwala sa pamahalaan.

Target din ng pagdinig na maamyendahan ang Charter ng Philippine Charity Sweepstakes Office at ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
DZXL558

Facebook Comments