Pagkakaso ng graft sa DPWH officials at contractors dahil sa depektibong flood control projects sa Bulacan, agad pinaaaksyunan ng COA sa Ombudsman

Malaki ang tiwala ni Commission on Audit (COA) Chairperson Gamaliel Cordoba na agad aaksyunan ng Office of the Ombudsman ang kanilang rekomendasyon ng pagsasampa ng kaso sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at kontratista kaugnay ng maanomalyang flood control projects sa Bulacan na may kabuuang halaga na halos P350 milyon.

Sinabi ni Cordoba na matitibay ang mga ebidensyang hawak ng ahensya na kanilang isinumite sa Ombudsman kahapon matapos ang isinagawang fraud audit at imbestigasyon.

Batay sa limang Fraud Audit Reports ng COA, natuklasang sablay at punong-puno ng iregularidad ang mga proyekto ng Wawao Builders, St. Timothy Construction Corporation, at SYMS Construction Trading na sakop ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office.

Sa proyekto ng Wawao Builders sa Brgy. Frances, Calumpit na nagkakahalaga ng P77.2 milyon, natuklasang hindi natapos ang floodwall at hanggang 77.9 metro lamang ang nagawa mula sa orihinal na 124 metro, may dagdag pang bayad na P3.1 milyon na walang kaukulang dokumento at may nakita rin dito na malalaking bitak.

Sa isa pang proyekto ng parehong kumpanya sa Brgy. Sta. Lucia na nagkakahalaga ng P74 milyon, halos 90 porsiyento ang sinasabing natapos sa papel pero hindi ito napatunayan ng mga auditor, lalo’t aktwal na tumambad sa kanila na may bitak at nakatagilid ang dike.

Sa kaso ng St. Timothy Construction sa Bulusan, Calumpit na nagkakahalaga ng P96.5 milyon, may nakita ang COA na higit P38 milyon na diperensya sa gastusin, wala ring sapat na dokumento para patunayan ang dredging at paggamit ng mga materyales.

Sa isa pang proyekto ng kumpanya na nagkakahalaga ng P39.1 milyon, lumabas na kalahati lang ng bakal ang nailagay pero buo ang kabayaran, may natuklasan pang butas sa pader.

Pinakamatinding kaso ang sa SYMS Construction Trading na may kontratang P55.7 milyon para sa floodwall sa Baliuag kung saan walang nakitang aktuwal na konstruksyon ang COA sa mismong site pero nakasaad sa rekord na bayad na ang proyekto.

Kabilang sa mga dawit sina District Engineer Henry Alcantara, Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, Project Engineer Paul Jayson Duya, at iba pang opisyal ng DPWH, gayundin sina Mark Allan Arevalo ng Wawao Builders, Ma. Roma Angeline Rimando ng St. Timothy Construction, pati na ang mga opisyal at board members ng St. Timothy, at Sally N. Santos ng SYMS Construction Trading.

Ayon sa COA, ang mga natuklasan ay maaaring magresulta sa kasong administratibo at kriminal gaya ng graft and corruption.

Bahagi ito ng mas malawak na imbestigasyon sa mga flood control project ng DPWH Bulacan mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025 alinsunod sa direktiba ni Cordoba at sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.

Facebook Comments