Sinuportahan ng ilang senador ang pagtatalaga ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. kay Ambassador Teodoro Locsin bilang special envoy for special concerns to the People’s Republic of China.
Ayon kay Senator JV Ejercito, mahusay at napapanahon ang pagkakatalaga kay Locsin sa naturang posisyon dahil dati na itong naging kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), gayundin ay dating mambabatas at isang abogado.
Kilala anya si Locsin bilang troubleshooter noong nanunungkulan bilang DFA Secretary.
Giit ni Senator Ejercito, maganda ang timing ng pagtalaga kay Ambassador Locsin bilang special envoy for special concerns sa China dahil nasa gitna tayo ng patuloy na panghaharass at pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.
Mahalaga aniya na manatiling bukas ang linya ng komunikasyon sa harap ng patuloy na isyu laban sa China at para sa patuloy na pagpapalakas ng bilateral relations ng dalawang bansa.