Pagkakatalaga kay Ambassador Teodoro Locsin bilang Special Envoy to China, tiwalang magbubunga ng magandang ugnayan ng Pilipinas at China

Kumpyansa si Senator Jinggoy Estrada na magkakaroon ng magandang ugnayan ang Pilipinas at China sa pagkakatalaga kay Philippine Ambassador to the United Kingdom Teodoro Locsin Jr., bilang special envoy to China.

Ayon kay Estrada, isang mahusay na diplomat at communicator si Locsin at ang kanyang malalim na pang-unawa sa diplomatic protocol, international relations at iba’t ibang isyu ay tiyak na makakatulong para sa pagtaguyod ng mutual understanding at common ground o pagkakasundo ng Pilipinas at China.

Sinabi pa ng Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, na bagama’t hindi pa nalalaman ang lawak ng kapangyarihan na iginawad ni Pangulong Bongbong Marcos kay Locsin, batid naman na mayaman ito sa karanasan mula sa pagiging DFA Secretary at Philippine Ambassador to the United Nations.


Dagdag pa ni Estrada, ang tagumpay ng tungkulin ni Locsin ay nakadepende sa abilidad nitong saliksikin ang mga detalye ng international diplomacy, epektibong komunikasyon at ang kakayahan nitong magkaroon ng productive atmosphere para makapagsagawa ng dayalogo ang dalawang bansa.

Samantala, umaasa naman si Senator Risa Hontiveros na hindi basta-basta matitinag ng China si Locsin at gagamitin nito ang kanyang posisyon para maigiit sa China ang 2016 arbitral ruling na pumapabor sa soberenya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Bukod dito, sinabi pa ni Hontiveros na ang track record ni Locsin ay nagpapakita ng malakas at balanseng posisyon nito sa China kahit pa nagsilbi ito noon sa dating administrasyon Duterte na kilalang yumuyukod sa China.

Facebook Comments