Umaasa ang ilang mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso na malaki ang maitutulong sa pagkakatalaga kay dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Andres Centino bilang Presidential Adviser on West Philippine Sea (WPS) para harapin ang mga hamon ng patuloy na pambu-bully ng China sa Pilipinas.
Sa tingin ni Senator Risa Hontiveros, dahil dating pinakamataas na opisyal ng Hukbong Sandatahan ng bansa si Centino, naniniwala ang senadora na magagampanan ng dating AFP Chief of Staff na harapin ang mga agresibong aksyon ng China.
Binigyang diin ni Hontiveros na ang ‘point of view’ ng ating depensa at hukbong sandatahan ay napakahalaga sa pagbalangkas ng foreign policy lalo na sa mga lugar na may tensyon o kaguluhan.
Hiniling ng senadora kay Centino ang paglalatag ng mga posibleng hakbang kung papaano haharapin ang mga insidenteng ginagawa ng China sa West Philippine Sea partikular ang pinakahuling pangyayari kung saan hinarangan at pinagbawalan ng China ang resupply mission ng Philippine Marines sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Tiwala naman ang mambabatas na susuportahan ng Kongreso at ng pangulo ang magiging hakbang ng National Task Force sa pagtugon sa isyu ng bansa sa pagitan ng China.
Samantala, umaasa rin si Senator Imee Marcos na mabibigyang linaw at makapagbibigay ng rekomendasyon si Centino para unti-unti ay masolusyunan ang problema natin sa WPS.