Suportado ng ilang senador ang pagkakatalaga ni Pangulong Bongbong Marcos kay Philippine Army Commander Lt. Gen. Romeo Brawner bilang Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff kapalit ni AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino.
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, ‘very good’ ang desisyon at ‘excellent choice’ na maituturing ang pagkakapili ni Pangulong Marcos kay Brawner na mamuno sa Hukbong Sandatahan ng Bansa.
Sinabi pa ni Dela Rosa na plebo niya noon si Brawner sa Philippine Military Academy (PMA) at alam niya rin kung anong klaseng opisyal ito.
Aniya, si Brawner ay mula sa pamilya ng mga henerasyon ng mga bayani kaya tiyak na nasa mabuting kamay ang AFP.
Kumpiyansa naman si Senator Jinggoy Estrada na pangungunahan ni Brawner ang AFP na may pinakamataas na integridad, professionalism, at karangalan.
Dagdag pa ni Estrada, napatunayan naman na ni Brawner ang kanyang sarili bilang mahusay na military leader dahil sa kanyang malawak na karanasan sa iba’t ibang posisyon sa AFP na humasa sa kanyang kakayahan na mangasiwa ng masalimuot na operasyon at tugunan ang mga hamon sa seguridad sa ating bansa.