
Ipinagmamalaki ng Malacañang ang desisyon ng European Union (EU) na alisin ang Pilipinas sa listahan ng mga “high-risk third countries” pagdating sa money laundering at terrorism financing.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, patunay ito ng mas pinaigting na safeguards ng bansa laban sa mga financial crime.
Kabilang sa mga repormang ito ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Bangko Sentral ng Pilipinas na palakasin ang mga mekanismo laban sa money laundering at terrorism financing, mga hakbang na, ayon sa Palasyo, nagpapalakas ng kumpiyansa ng pandaigdigang merkado at nagpapasigla sa ekonomiya.
Umaasa ang Malacañang na magbubukas ito ng mas maraming oportunidad para sa pamumuhunan, makapagpababa ng remittance costs para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), at makapagpalakas ng ugnayan sa pagitan ng mga lokal na bangko at kanilang foreign counterparts.
Matatandaang isinama ng EU ang Pilipinas sa high-risk list noong Marso 13, 2022, pero matapos kilalanin ang pinahusay na counter-terrorism financing framework ng bansa, opisyal na tinanggal ang Pilipinas sa listahan noong Hunyo 10, 2025.









