Cauayan City, Isabela- Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa sundalo na miyembro ng 503rd Infantry Brigade, Philippine Army makaraang pagbabarilin nito ang mga biktima kagabi sa isang compound sa Brgy. Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Denver Tubban, 40-anyos, may-asawa at ang sugatan na si Jenner Ewad, 34-anyos, may-asawa na kapwa empleyado ng Provincial Government ng Kalinga.
Habang ang suspek ay nakilalang si Corporal Denmark Baddongon, 33-anyos.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay PCOL. Davy Vicente Limmong, Provincial Director, lasing umano na sumugod ang suspek sa bahay ng biktima para singilin ang pagkakautang umano na halagang P2,000 subalit nauwi sa pamamaril.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, may anim (6) na tama ng bala ng baril ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan partikular sa leeg, dibdib at likod habang ang sugatan na si Ewad ay may dalawang (2) tama sa likuran.
Una nang sumuko ang suspek sa tropa ng militar na kaagad namang dinis-armahan at ipinasakamay sa mga kapulisan.
Nabatid na nakaduty ang suspek ng mangyari ang insidente ng pamamaril sa biktima at kasamahan nito.
Sinabi pa ni Col. Limmong na inaalam rin ang impormasyon kung nauugnay ang suspek sa pagkahilig sa sabungan bagay na mahigpit na ipinagbabawal sa mga uniformed personnel.
Narekober naman sa crime scene ang hindi bababa sa 10 basyo ng bala ng baril.
Mahaharap ang suspek sa kasong Murder at Frustrated Murder na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya.