Dalawang linggo mula ngayon ay i-anunsyo ng ilang pribadong ospital sa bansa ang planong pagkalas sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Kaugnay ito ng hindi pa rin nababayarang COVID-19 claims ng PhilHealth simula noong 2020.
Ayon kay Dr. Jose Rene De Grano, pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPi), hanggang noong Agosto ay pumalo na sa hindi bababa sa P20 bilyon ang utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital partikular sa Metro Manila, Cagayan Valley, Iloilo at General Santos City.
Una rito, sinuspinde ng PhilHealth ang pagbabayad sa umano’y maanomalya at kwestiyonableng COVID-19 claims.
Giit naman ni De Grano, bukas naman sila sa anumang imbestigasyon tungkol dito pero apela niya, huwag idamay ang iba pang ospital.
Samantala, ngayon pa lamang ay humingi na ng paumanhin ang mga pribadong ospital sa publiko sakaling hindi na sila mag-renew ng akreditasyon sa PhilHealth.