Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na ang isolation ay susi para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangang mag-isolate o mag-self quarantine ang sinumang magkakaroon ng sintomas ng COVID-19 para maprotektahan din nila ang kanilang sarili at kanilang mahal sa buhay.
Pinayuhan din ni Vergeire ang publiko na agad ipagbigay alam sa kanilang Barangay Health Response Teams (BHERTs) sakaling nagkaroon sila ng close contact sa isang COVID-19 patient.
Binigyang diin ng DOH na ang laban sa COVID-19 ay nagsisimula sa mga komunidad, barangay at sa mga tahanan.
Sa huling datos ng DOH, aabot sa 202,361 ang kaso ng COVID-19 sa buong bansa na may 65,764 active cases.
Nasa 133,460 ang gumaling at 3,137 ang namatay.