Pagkalat ng diarrhea at respiratory infection sa mga evacuation center, ibinabala ng health expert

Nagbabala ang isang eksperto sa posibleng pagkalat ng diarrhea at respiratory infection sa mga evacuation center matapos ang sunod-sunod na kalamidad.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Dr. Rontgene Solante, na kulang sa malinis na inuming tubig at maayos na palikuran ang mga pansamantalang tirahan, dahilan kaya dumarami ang kaso ng infectious diarrhea tulad ng amoebiasis, norovirus, at rotavirus na madalas tumatama sa mga bata.

Dagdag pa niya, mabilis ding kumalat ang respiratory infection dahil sa siksikan ang mga evacuee at hindi lahat nagsusuot ng facemask, kaya madaling maipasa ang virus sa isa’t isa.

Binalaan ni Solante na pinakaapektado sa ganitong sitwasyon ang mga bata, matatanda, at may mahinang resistensya.

Kaya panawagan niya sa mga awtoridad at evacuees na siguraduhin ang malinis na tubig, maayos na palikuran, at tamang personal hygiene para makaiwas sa sakit.

Facebook Comments