Pinasisilip ni Senator Robin Padilla ang pagkalat ng ‘fake news’ gamit ang online o internet.
Sa Senate Resolution 191 na inihain ni Padilla, inaatasan nito ang pinamumunuang komite na Committee on Public Information and Mass Media na pangunahan ang imbestigasyon sa paglipana ng fake news sa internet na layong paigtingin din ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Tinukoy ng senador na sa pagkalat ng fake news gamit ang social media, messaging mobile applications at SMS ay nakadagdag sa paglawak ng pagkakahati-hati ng mga Pilipino na nagresulta sa kalituhan, kawalang tiwala at paglaganap ng ‘hate speech’.
Ipinunto pa ni Padilla na aabot sa $78 billion ang kitang nawawala sa ekonomiya ng buong mundo kada taon dahil sa mga pekeng balita pagdating sa pinansyal, kalusugan ng publiko, negosyo at maging sa politika.
Hiniling din ni Padilla na magkaroon ng inter-agency para matiyak na hindi maaabuso ang internet at iba pang mga ginagamit sa impormasyon at komunikasyon dahil ito ay hindi kakayanin ng isang ahensya lang.
Partikular din na tinukoy ni Padilla ang industriya ng pagbabalita at edukasyon para labanan ang fake news.