Nababahala sina Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na gumagawa lamang ng private armies si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang rekomendasyon nitong armasan ang mga sibilyan na miyembro ng anti-crime groups.
Ayon kay Brosas, ang pagpayag na magdala ng baril bilang proteksyon ang mga anti-crime volunteers ay maaaring mauwi sa pagtatatag ng pinakamalaking private army at death squad ng pangulo.
Mistula rin aniyang desperadong hakbang na ito para i-institutionalize ang Duterte death squad hanggang sa matapos ang termino nito.
Nangangamba rin si Brosas na posibleng magamit dito ang malaking budget ng taumbayan na dapat ay sa mas kinakailangang ayuda mapunta ngayong pandemya.
Naniniwala naman si Castro na mas tataas ang mga krimen sa halip na mabawasan at mas magiging mapanganib na ang mga lansangan.
Bukod sa hinihinalang pagbuo ng private army ay hindi malabong magamit ito ng mga politiko sa nalalapit na 2022 eleksyon.
Aniya, ang kailangan ngayon ng mga Pilipino ay solusyong medikal at pang-ekonomiya lalo’t kasalukuyan pa ring humaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.