Pagkalugi sa matagal na implementasyon ng ‘new normal policy’, posibleng hindi kayanin ng mga bus company

Posibleng hindi kayaning pasanin ng mga bus operator ang mawawalang kita sakaling tumagal ang pagpapatupad ng ‘new normal policy’ sa mass public transportation bunsod ng krisis sa COVID-19.

Ayon kay Southern Luzon Bus Operator Director Homer Mercado, bilyon na ang lugi nila dahil sa halos dalawang buwang tigil-pasada.

Maliban dito, tiyak din aniyang maaapektuhan ang mga driver at konduktor dahil liliit ang kanilang incentives.


Matatandaang sa ilalim sa General Community Quarantine (GCQ), mahigpit na ipatutupad sa mga bus at jeep ang 50% passenger capacity para masunod ang social distancing.

Kaugnay nito, patuloy naman aniya ang pakikipag-ugnayan nila Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTRr) kung paano sila matutulungan sa kanilang operational cost.

Hinihintay na lang din nila ang abiso mula sa LTFRB kaugnay ng magiging panuntunan sa ‘new normal policy’ at ang bilang ng bus na papayagang makapasada sa ilalim ng GCQ, kasama na ang mga provincial bus.

Paliwanag ni Mercado, kailangan pa nilang mag-apply para sa prangkisa ng mga bus na mabibigyan ng special permit dahil na rin sa planong pagra-rationalize sa mga ruta ng bus at iba pang public utility vehicles (PUVs).

Facebook Comments