PAGKALUNOD AT PAGKASAWI NG MGA BAKA, HIND NAITALA SA BRGY. DUMINIT

CAUAYAN CITY- Malaki ang pasasalamat ng pamunuan ng Brgy. Duminit dahil hindi na muling naulit ang insidente ng pagkalunod at pagkamatay ng mga alagang baka sa kasagsagan ng bagyo sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng IFM News Team kay Brgy. Kagawad Rogelio Domingo, bago pa man humagupit ang bagyong Pepito ay nag-ikot na sila bawat Purok maging ang ilog upang paalalahanan ang mga nagmamay-ari ng baka na ilikas sa mataas na bahagi ng lugar ang kanilang mga alaga.

Aniya, iniiwasan nilang maulit ang nangyari noong kasagsagan ng bagyong Enteng kung saan labing isang baka ang naanod at namatay dahil sa biglaang pagtaas ng tubig sa ilog.


Dagdag pa nito, bukod sa mga alagang baka ay wala ring naitalang nawalan o namatayan ng mga alagang hayop sa barangay.

Samantala, sa kabuuan ay nasa 1,161 indibidwal ang inilikas noong kasagsagan ng bagyong pepito sa nasabing barangay na binubuo ng 387 pamilya.

Facebook Comments