Masayang inihayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora na mula a-20 ng kasalukuyang buwan ng Abril ay zero death na sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang San Juan City.
Ayon kay Mayor Zamora na malinaw na makikita rito ang pagiging epektibo ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) na mahalagang aspeto sa pagbaba ng kaso ng pagkamatay dahil sa COVID-19.
Paliwanag ng alkalde, bagamat nakapagtala ng 35 deaths sa lungsod pero sa ngayon ay nasa 48 na ang gumagaling mula sa 227 positive cases.
Giit ni Zamora, na hindi magpapakakampante ang San Juan City Government at patuloy ang pagpapalawak sa isinasagawang testing sa mga may sintomas, mga PUM na may direct exposure at mga frontliners na maaaring magpataas muli sa kaso ng nakamamatay na virus.
Batay aniya sa pagtaya mismo ng Department of Health (DOH), nalampasan na ng San Juan City ang peak ng transmission ng COVID-19.
Matatandaang naitala sa Brgy. Greenhills, San Juan City ang pinakaunang kaso ng community transmission ng COVID-19 sa bansa.