Manila, Philippines – Naniniwala si National Defense and Security Vice Chairman Ruffy Biazon na lalo pang hihina ang grupong Maute ngayong patay na ang ama ng magkakapatid na si Cayamora Maute.
Ayon kay Biazon, patay man o hindi ang ama ng Maute ay humihina na ang pwersa ng grupo dahil mabigat na usapin kapag isa sa kapamilya ang nawala.
Sinabi pa ni Biazon na nakikita na rin niya ang malapit na pagtatapos ng krisis sa Marawi.
Nababawasan na umano ang bilang ng Maute ngayong kamakailan lamang ay nabawi ng AFP ang grand mosque at Marawi City Police Station na pinagkutaan ng teroristang grupo.
Kampante naman si Biazon na walang retaliation o pagganti na mangyayari sa panig ng Maute dahil malinaw na sakit ang ikinamatay ng padre de pamilya.
Taliwas ang pahayag na ito ng kongresista sa babala ni AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na posibleng lumala at humantong sa drastic actions ang Maute brothers sa giyera sa Marawi.