Pinaiimbestigahan na ni Senador Risa Hontiveros ang pagkamatay ng dalawang kabataan sa naganap na buy-bust operations ng pulisya sa Binan, Laguna kamakailan.
Sa inihaing Proposed Senate Resolution No. 776, layon ng panukala na paimbestigahan ang pagkamatay ng 16-taong gulang na si Johndy Maglinte at kanyang kasama na si Antonio Dalit sa sinasabing shootout.
Ang pagkamatay kasi aniya ng isa pang menor de edad sa war on drugs ay lumikha ng isang ‘grim pattern’ na kailangan
nang tapusin.
Hindi rin aniya ito ang unang pagkakataon na pinatay ang isang menor de edad dahil sa palpak na operasyon ng pulisya.
Sa ngayon, paliwanag ni Hontiveros, na siya ring Chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, hindi bababa sa 122 mga bata – kasama ang isang taong gulang – ang napatay sa anti-drug operations at vigilante-style killings mula 2016.
Ito ay mula sa datos ng pag-aaral na isinagawa ng World Organization against Torture.