
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Police Regional Office 8 (PRO-8) upang tukuyin ang mga nasa likod ng brutal na pagkamatay ng isang dating beauty queen na natagpuang palutang-lutang sa karagatan ng Tacloban, Leyte.
Sa impormasyon ni PRO-8 Regional Director PBGen. Jay Cumigad sa Kampo Krame, mahigpit ang koordinasyon ng iba’t ibang law enforcement units sa rehiyon upang mabilis na maresolba ang kaso.
Tatlong suspek aniya ang sangkot sa pagdukot sa biktima, ngunit inaalam pa ang kanilang pagkakakilanlan at motibo sa krimen.
Batay sa paunang ulat, huling nakita ang biktima sa Ormoc City noong July 31 kung saan makalipas ang apat na araw o noong Agosto 4, natagpuan ang bangkay ng biktima sa dagat, nakatali ang mga kamay at paa at may balot na tela at duct tape sa mukha.
Hinimok ng mga awtoridad ang publiko na agad makipag-ugnayan sa pulisya sakaling may impormasyon kaugnay sa kaso upang mabigyang hustisya ang sinapit ng biktima.









