Nagpahayag ng pagkondena si Senator Richard Gordon sa pag-ako ng New People’s Army (NPA) sa pagkamatay ni Far Eastern University (FEU) football player na si Keith Absalon at ng pinsan nito.
Ito ay matapos sumabog ang itinanim na Improvised Explosive Device (IED) ng mga rebeldeng komunista sa Masbate na naganap nitong June 6.
Ayon kay Gordon, maituturing na ‘assassination’ ang pagkamatay dahil alinsunod sa Humanitarian Law na ini-adopt ng Pilipinas na Republic Act No. 9851, labag ito sa Section 4, Paragraph 25 ng nasabing batas.
Ito ay ang paggamit ng mga armas at iba pang materyales upang magdulot ng pagkasugat o pagkasawi ng isang tao.
Tinawagang-pansin naman ni Gordon ang mga otoridad na mabigyang-hustisya ang pangyayari at mapanagot ang mga may sala.