Kinondena ng Philippine College of Criminology (PCCr) ang pagkamatay ng isa nilang estudyante dahil sa hazing ng Tau Gamma Phi.
Sa isang pahayag, sinabi ng PCCr na walang puwang sa kanila ang ganitong uri ng gawain at kailanman ay hindi ito pinapayagan sa paaralan.
Ikinalungkot din daw nila ang pangyayari at nagsasagawa na sila ng mga hakbang para maiwasan ang ganitong mga gawain sa loob ng institusyon.
Ginawa ng PCCr ang pahayag nito matapos mamatay sa hazing ang 4th year criminology student na si Ahldryn Leary Bravante na nangyari sa Quezon City noong weekend.
Sa ngayon, nakatutok ang pamunuan ng PCCr sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang maihatid ang hustisya sa pamilya Bravante.
Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang paaralan sa pamilya kasabay ng paniniguro na isusulong nila ang magandang education environment para mabigyan ng maayos na edukasyon ang mga mag-aaral.