Pagkamatay ng isang PNPA cadet, pinaiimbestigahan na ni PNP Chief Gamboa

UPDATE:

May direktiba na si Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Archie Gamboa sa pamunuan ng Philippine National Police Academy (PNPA) na magsagawa ng imbestigasyon matapos na mamatay ang PNPA Cadet na si 4th Class Kenneth Ross Alvarado.

Sa ulat ng PNPA, si Alvarado ay namatay nitong July 8, 2020 dahil sa heat stroke.


Dahil sa utos ni Gamboa, sinabi ni PNPA Director Police Major General Jose Chiquito Malayo na mayroon na silang ipinatutupad na karagdagang measures habang nagpapatuloy ang initial stage training ng PNPA Class of 2024.

Ilan sa mga ito ay pag-oobliga sa mga kadete na uminom ng sampung baso ng tubig kada raw habang pansamantalang ginagawa ang mga drill sa malilim na bahagi ng akademya.

May dalawang bahagi ng exercises naman na ginagawa ngayon ang mga nagti-training na kadete, three rounds sa parade ground sa unang araw at panibagong 4 rounds makalipas ang tatlong araw.

Batay sa imbestigasyon ng PNPA, habang nasa evening mess formation ang kadete nang mag-collapse ito.

Kaagad naman siyang nadala sa Academy Health Service at inilipat sa QualiMed Hospital sa Sta. Rosa, Laguna kung saan siya binawian ng buhay.

Ang PNP Class of 2024 ay mayroong 306 na kadete, 254 dito ay mga lalaki, habang 52 ay babaeng kadete.

Facebook Comments