Pagkamatay ng Isang Pulis sa Shoot-out, Magsisilbing Inspirasyon ng Kapulisan Ayon kay PD Rodriguez!

*Cauayan City, Isabela-* Inihayag ni PCol Mariano Rodriguez, ang Isabela PNP Director na magsisilbing inspirasyon ng kapulisan si late PSSgt Richard Gumarang na nasawi sa shoot-out laban sa mga holdaper kamakailan sa bayan ng Ramon, Isabela.

Sa pagtutok ng 98.5 iFM Cauayan sa huling araw ni PSSgt Gumarang sa Isabela Police Provincial Office, bago iuwi kahapon sa kanyang tahanan sa Brgy. Babalag East, Rizal, Kalinga ay sinaluduhan muna siya ni PCol Rodriguez bilang pagkilala at pamamaalam maging ang kanyang mga tropa bago ilabas sa naturang kampo.

Ayon kay P/Col.Rodriguez, magsilbing inspirasyon si Gumarang sa mga kapwa niya pulis na patuloy na gampanan ang kanilang tungkulin sa kabila ng mga posibleng panganib na kanilang susuungin.


Hindi aniya nila hangad na malagasan ng tauhan lalo sa ganitong pagkakataon.

Kaugnay nito ay hindi pa rin sila magpapabaya at patuloy pa rin ang kanilang pagbabantay upang mapanatili ang kapayapaan at matiyak ang kaligtasan ng mamamayan.

Matatandaan na noong September 20, 2019 ay agad na nagsagawa ng checkpoint ang PNP Ramon, Isabela matapos makatanggap ng impormasyon at direktiba mula sa PNP Tuguegarao kaugnay sa nangyaring hold-up sa isang ginang sa parking area sa Cathedral.

Nang mamataan ang pulang Innova na sakay ng mga holdaper sa bayan ng Ramon ay umiwas ang mga ito sa checkpoint patungong Brgy. San Miguel hanggang sa nakorner at nagkabarilan ang mga ito sa Brgy Turod Bugallon na nagresulta sa pagkamatay ni PSSgt Gumarang at ng 2 holdaper sa apat na suspek.

Facebook Comments