Pagkamatay ng isda sa Agoncillo, Batangas, hindi itinuturing na fish kill ng BFAR Region 4A

Hindi itinuturing na fish kill ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagkamatay ng mga isda sa Agoncillo, Batangas.

Ayon kay BFAR Region 4A Regional Director Sammy Malvas, maliit na bilang lamang ang namatay na isda sa bahagi ng Taal Lake kumpara sa kabuuang bilang ng isda sa paligid ng lawa.

Tinatayang nasa 29 na tonelada ng isda ang namatay dahil sa biglang pagbaba ng oxygen level sa lawa bunsod ng biglaang pag-ulan matapos ang mainit na panahon.


Katumbas ito ng 3.2 milyong pisong halaga ng pinsala kung saan 43 operator ang naapektuhan.

Samantala, hindi pa ramdam ang epekto ng pagkamatay ng isda sa mga pamilihan dahil marami pa umanong mapagkukunan ng isda sa paligid ng Taal Lake.

Sa ngayon, pumapalo sa 110 hanggang 115 pesos ang kada kilo ng tilapia.

Facebook Comments