Manila, Philippines – Ipinag-utos na ni PNP Chief Ronald dela Rosa ang imbestigasyon sa pagkamatay ng Abu Sayyaf member na si Saad Samad Kiram alyas Abu Saad sa gitna ng pagtangka nitong tumakas sa mga otoridad habang inililipat sa Bohol District Jail (BDJ).
Ayon kay Bohol provincial office Senior Police Supt. Felipe Natividad – tinangka ni Saad na tumakas habang inililipat sa Bohol District Jail (BDJ) mula sa Bohol Provincial Police Office (BPPO) kung saan siya pansamantalang nakadetine para sa tactical interrogation.
Aniya, tatlong police escort ang kasama ni Saad at nasakay ang mga ito sa dalawang kotse kasama ang ilang tauhan ng special weapons and tactics.
Kinailangan aniyang ilipat si Saad sa BDJ dahil wala naman detention facility sa BPPO.
Nagpaalam aniya si Saad na dudumi sa gilid ng kalsada kaya pinayagan ito pero bigla itong tumakbo palayo.
Naging pahirapan din aniya ang habulan dahil sa madilim at masukal na lugar pero nacorner rin ito sa bayan ng Cortes kung saan siya nabaril.
Samantala, patuloy pa ring tinutugis ang dalawa pang natitirang miyembro ng Abu Sayaff na nagtatago pa rin sa nasabing probinsya.
DZXL558