Hiniling ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa Kamara na imbestigahan ang masaklap at kahina-hinalang pagkamatay ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Dafnie Nacalaban na ang labi ay natagpuan umano sa bakuran ng bahay ng kanyang amo sa Kuwait.
Nakapaloob sa House Resolution No. 2151 na inihain ni Rodriguez na ang pagkitil sa buhay ni Nacalaban ay patunay kung gaano kadelikado ang buhay ng mga Pilipino na nagtatrababo sa abroad.
Sabi ni Rodriguez, higit ang panganib na nakaamba para sa mga Pinoy na namamasukan bilang household workers.
Diin pa ni Rodriguez, ang mapait na nangyari kay Nacalaban ay hindi maituturing na isolated incident dahil marami ng napaulat na pag-abuso, pagmaltrato at pagpatay sa mga OFWs.
Giit ni Rodriguez, dapat itong aksyunan ng gobyerno para mahinto na at mabigyan ng hustisya ang mga biktimang Pilipino.