Walang nakikitang foul play ang Philippine National Police (PNP) sa pagkamatay ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Deputy Officer Ricardo Zulueta.
Ito ang binigyang-diin ni Philippine National Police – Public Information Officer (PNP PIO) Chief PCol. Jean Fajardo sa gitna ng pagdududa ng Ilan sa biglaang pagkamatay ni Zulueta.
Ayon kay Fajardo, mismong ang kapatid nito ang nagdala sa kanya sa ospital at doon na ito binawian ng buhay.
Nakasaad aniya sa cause of death ni Zulueta ay cerebrovascular disease intracranial hemorrhage o pagdudugo sa ulo.
Ani Fajardo, naiintindihan nila kung duda ang naulilang pamilya ng broadcaster na si Percy Lapid sa biglaang pagpanaw ni Zulueta pero kanilang pinanghahawakan dito ang pangako nilang kooperasyon sa mga awtoridad.
Si Zulueta ay kapwa akusado ni dating BuCor Director Gerald Bantag sa kasong pamamaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid at ang umano’y middle nito na si Jun Villamor.