Pagkamatay ni DPWH Usec. Cabral, malaking kawalan sa pagpapanagot sa mga nasa likod ng flood control issue; pananahimik ng ilang miyembro ng bicam kinuwestiyon

Malaking kawalan ang pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral sa pagsisikap na matukoy at mapanagot ang mga malalaking personalidad na umano’y nasa likod ng mga anomalya sa flood control projects.

Ito ang iginiit ni dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica, na nagsabing batid umano ni Cabral ang mga rekord at lihim ng sistematikong korapsiyon sa loob ng DPWH.

Ayon kay Belgica, alam din umano ni Cabral kung sino-sino ang tumanggap at magkano ang napunta sa mga tinawag niyang allocables at kickbacks ng ilang kongresista, at maaari sana itong magsilbing susi upang makulong ang marami sa mga sangkot.

Samantala, iginiit din ng dating opisyal ng administrasyong Duterte na dapat magpaliwanag si dating Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo kaugnay ng flood control issue, lalo’t miyembro siya ng bicameral conference committee at nagsilbing vice chairperson ng House Committee on Appropriations sa deliberasyon ng 2025 national budget.

Kinuwestiyon ni Belgica kung bakit umano’y wala si Quimbo sa mga imbestigasyon sa flood control projects, gayong sa panahon ng kaniyang pamumuno sa komite naganap ang mga tinaguriang blank items sa 2025 General Appropriations Act (GAA) at ang paglilipat ng bilyun-bilyong pisong pondo.

Matatandaang si Quimbo ang pumalit sa nagbitiw na noo’y Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at naging bahagi rin ng tinatawag na small committee, kung saan umano nangyari ang mga insertions sa 2025 national budget.

Una nang tinawag nina dating Justice at Labor Secretary Silvestre Bello III sina dating House Speaker Martin Romualdez at Quimbo bilang umano’y mga utak sa maanomalyang flood control projects.

Facebook Comments