Pagkamatay sa sagupaan ni Abu Sayyaf Group Leader Furuji Indama, bina-validate ng militar

Inaalam na ngayon ng militar kung totoo ang impormasyong patay na ang kanilang tinutugis na Abu Sayyaf Group (ASG) Leader na si Furuji Indama.

Ito ay matapos na kumpirmahin ng kanyang mga kasamahang Abu Sayyaf at tropa ng militar sa field na nasawi ito sa nangyaring engkwentro noong September 9, 2020 sa Sitio Limuno Barangay Roxas R.T Lim Zamboanga Sibugay.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines – Western Mindanao Command (AFP-WesMinCom) Spokesperson Lieutenant Colonel Alaric Avelino Delos Santos, nakita mismo ng tropa ng militar na malala ang sugat ni Furuji Indama nang maganap ang engkwentro noon sa Zamboanga Sibugay sa pagitan ng tropa ng 44th Infantry Battalion na posibleng ikinamatay nito.


Nakita raw ng mga sundalo na kahit malala ang tama ni Furuji Indama at matindi ang palitan ng putok, hindi ito iniwan ng kanyang kasamahan.

Una nang iniulat ng WesMinCom na limang miyembro ng Abu Sayyaf ang namatay noong September 9, 2020 matapos na magkasagupa ang 44th Infantry Battalion at grupo ni Furuji Indama sa Zamboanga Sibugay.

Facebook Comments