Iginiit ni Senator Leila de Lima na kahit maging vice president si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi nito matatakasan ang pag-uusig ng International Criminal Court kaugnay sa napakaraming nasawi sa ilalim ng giyera kontra ilegal na droga.
Pahayag ito ni De Lima, makaraang kumpirmahin ni Pangulong Duterte ang posibleng pagkandidato nya sa pagka-bise presidente sa 2022 elections.
Paliwanag ni De Lima, sa paghahabol sa mga kriminal ay hindi binibigyan ng ICC ng konsiderasyon ang immunity o impeachability ng sinuman.
Kaya naman para kay De Lima bakit sasabak pa sa vice-presidential race si Pangulong Duterte kung sa bandang huli ay aarestuhin din ito patungo sa The Hague.
Naniniwala rin si De Lima na ang tanging rason para iboto si Pangulong Duterte bilang vice president ay ang libreng entertainment na naibibigay na parang komendyante kahit wala naman nagagawang mahalaga para sa bayan.