
Umaasa ang Office of the Ombudsman na agad maaksiyunan ang hirit nilang maglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, maisasakatuparan lamang kasi ang pagnanais ng pamahalaan na makansela ang pasaporte ni Co sa sandaling maglabas na ng warrant of arrest ang Sandiganbayan.
Paliwanag ni Clavano, mahalagang makansela ang pasaporte ni Co para mabawasan na ang galaw nito at hindi na makakabiyahe sa ibang bansa.
Magagamit din aniya ang mandamiyento de aresto para sa request na Red Notice sa International Criminal Police Organization o Interpol.
Sa pamamagitan ng Interpol Red Notice ay may kapangyarihan na ang Interpol-member countries na hanapin at arestuhin si Co kahit saang dako man ng mundo.
Kahapon nang maghain ng malversation at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang Ombudsman sa Sandiganbayan laban kay Co at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways-MIMAROPA dahil umano sa iregularidad sa ₱289.5 milyong halaga ng proyekto para sa flood control sa Naujan, Oriental Mindoro na kinontrata ng Sunwest Inc.









