Pagkanta at pag-recite ng Senado ng Bagong Pilipinas hymn at pledge, sinita ng isang senador

Pinuna ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pagkanta ng Bagong Pilipinas hymn at panunumpa ng Bagong Pilipinas pledge sa flag ceremony ng Senado.

Giit ni Pimentel, hindi saklaw ang Senado ng memorandum circular na inilabas ng Malacañang kung saan sinasabing dapat kumanta at mag-recite ng Bagong Pilipinas hymn at pledge ang lahat ng national government agencies.

Sinabi pa ng senador na malinaw sa Republic Act 8491 na ang Lupang Hinirang at panunumpa sa watawat ang dapat na kinakanta at nire-recite tuwing flag ceremonies at hindi dapat dinadagdagan o binabawasan ito.


Hindi rin aniya maaaring magdagdag ang pangulo ng mga pwedeng kantahin at i-recite sa flag ceremony kahit pa may kapangyarihan ang Office of the President na maglabas ng rules and regulations para sa tamang pagsasagawa ng flag ceremony.

Dagdag ni Pimentel, walang kapangyarihan ang OP na gumawa ng bagong hymn o pledge na hindi man lang dumaan sa debate at pag-apruba ng Kongreso at dapat na maghain muna ng panukala para amyendahan ang kasalukuyang batas.

Facebook Comments