Pagkapanalo ni Manila Rep. Manny Lopez noong 2019 election, pinagtibay ng HRET

Pinagtibay ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) ang pagkapanalo ni Congressman Manny Lopez bilang kinatawan ng Maynila.

Ito ay matapos ibasura ng HRET ang electoral protest na inihain ni dating Cong. Benjamin Asilo laban kay Lopez dahil sa kawalan ng porma at substance ng reklamo.

Sa resolusyon ng HRET, pinagtibay ng pitong miyembro ng tribunal ang panalo ni Lopez noong 2019 elections.


Sa nakaraang eleksyon, nakakuha si Lopez ng 86,993 na boto habang si Asilo ay mayroong 73,306 votes.

Ibinasura ng HRET ang electoral protest makaraang magdesisyon si Asilo na hindi na iprisinta ang mahigit 100 testigo na umano’y magpapatunay ng iregularidad sa botohan.

Sa halip, ipi-prisenta na lamang daw ang isang technical examination expert na tetestigo sa resulta ng pagsusuri sa pirma o thumbmarks ng mga bumoto noong halalan gayundin ang mga miyembro ng Board of Canvassers.

Pero sa panig ng HRET, ang hakbang ni Asilo ay nagpapakita lamang na ang kanyang reklamo ay hindi tungkol sa dayaan, iregularidad o anomalya kundi sa pagkakaiba ng bilang ng mga botante sa aktwal na bumoto base sa pinagsamang boto nila ni Lopez.

Welcome naman kay Lopez ang nasabing desisyon ng HRET.

Facebook Comments