Pagkasabik ng publiko sa pinaluwag na quarantine restrictions, ikinababahala ng NTF Against COVID-19

Ikinaalarma ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ang pagkasabik ng publiko sa pagsisimula ng pinaluwag na quarantine restrictions.

Sa Metro Manila, kapansin-pansin ang pagbibigat ng daloy ng trapiko partikular sa EDSA-Balintawak kung saan dagsa ang mga motoristang umaasang makakabiyahe na ng probinsya.

Gayunman, hindi pa rin pinayagang makadaan ang mga non-essential travel at mga motoristang walang rapid pass.


Pakiusap ni NTF Against COVID-19 Spokesperson Retired General Restituto Padilla sa publiko, huminahon at mag-ingat pa rin sa posibleng pagkalat ng virus.

Kahapon, May 16, 2020, nang isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Zambales at Laguna.

Nananatili naman sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Cebu City at Mandaue City habang General Community Quarantine (GCQ) naman ang umiiral sa nalalabing bahagi ng bansa.

Nauna nang nagbabala ang World Health Organization (WHO) ng second wave ng COVID-19 oras na paluwagin ang mga restriction na ipinatutupad para makontrol ang pandemya.

Facebook Comments