Sa ika-13 pagdinig ng House Quad Committee ay mariing itinanggi ni Irmina “Muking” Espino na sangkot siya sa sinasabing “reward system” sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Si muking ay dating staff ni Sen. Bong Go na umano ay nagbibigay ng reward na salapi sa mga pulis na makakapatay ng drug suspect base sa sinumpaang pahayag ni retired Police Col. Royina Garma.
Pero diin ni Espino, wala siyang dinisburse o inilabas na pera, at wala talaga siyang alam sa reward system.
Giit pa ni Espino, “professionally” ay kilala niya si Garma na noon ay palaging nangungulit sa kanya dahil sa ilang request tulad ng pagsasaayos ng kanyang opisina at office supplies.
May hinala si Muking na isinasangkot siya sa isyu ng reward system para magkaroon ng link ang lungsod ng Davao sa Office of the President.