Pagkasawi ng limang rescuers sa kasagsagan ng Super Typhoon Karding, magsisilbing “eye opener” para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience

Umapela si Senator Jinggoy Estrada na magsilbing “eye opener” sa pamahalaan ang pagkakaroon ng hiwalay na ahensya para sa pagtugon sa kalamidad matapos ang pagkasawi ng mga rescuers sa San Miguel, Bulacan.

Ayon kay Estrada, umaasa siyang ikukunsidera na ng Ehekutibo ang paglikha ng Department of Disaster Resilience o DDR kasunod ng pagpanaw ng limang myembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Giit ni Estrada, maiiwasan sa hinaharap ang kahalintulad na insidente kung ang mga first responder’s ng kalamidad ay may sapat na kagamitan, may sapat na pagsasanay sa disaster response at may maayos na koordinasyon sa mga kinauukulan.


Bukod din sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad, mahalaga rin na may maayos na pangangasiwa sa mga tauhan.

Kasama sa probisyon ng Senate Bill 791 ni Estrada para sa panukalang DDR ang pagbibigay kapangyarihan sa ahensya na magkaloob ng benepisyo, allowances at iba pang kahalintulad na bayad para sa mga disaster management professionals at disaster resilience officers mula sa national at local levels.

Samantala, nauna namang nagpaabot ng pakikiramay si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga pamilya ng limang rescuers na nasawi habang tumutupad sa tungkulin sa gitna ng paghagupit ng Super Typhoon Karding.

Facebook Comments