Pinapaimbestigahan ni Senator Robin Padilla ang pagkasawi ng hindi bababa sa 24 na miyembro ng tribong Teduray bunsod ng pagguho ng lupa na dulot ng Bagyong Paeng.
Ang mga miyembro ng tribong Teduray ay inilipat sa paanan ng bundok Minandar sa Maguindanao del Norte na prone sa landslide mula sa dating tinitirhan sa baybayin ng munisipalidad ng Datu Odin Sinsuat.
Inihain ni Padilla ang Senate Resolution 280 para alamin kung may kapabayaan sa pagkasawi ng 24 na katao at pagkasugat ng higit sa 30.
Sinasabing sapilitan din ang pagpapalipat sa mga miyembro ng tribo sa paanan ng bundok.
Bubusisiin din kung bakit hindi naprotektahan ang mga Teduray sa karapatan nila sa kanilang ninunong lupain o ancestral domain.
Tinukoy rin ni Padilla sa kaniyang resolusyon ang ulat na 127 mula sa 300 pamilyang apektado ng sapilitang relokasyon ang nagpetisyon sa National Commission on Indigenous People’s (NCIP) nguni’t hindi tumugon dito ang ahensya.