Pagkasawi ng siyam na high-profile inmates sa Bilibid, pinapaimbestigahan ng Makabayan sa Kamara

Inaatasan ng Makabayan Bloc sa Kamara na imbestigahan ng House Committee on Justice ang pagkamatay dahil sa COVID-19 ng high-profile inmates sa Bilibid.

Sa House Resolution 1075 na inihain ng mga progresibong mambabatas ng Makabayan, pinapaimbestigahan ng mga ito ‘in aid of legislation’ ang sunud-sunod na pagkasawi ng siyam na high-profile inmates sa New Bilibid Prison (NBP) kung saan kasama sa mga ito ang kilalang drug lord na si Jaybee Sebastian na siyang nagdiin noon kay Senator Leila de Lima sa iligal na kalakaran ng droga sa kulungan.

Nakasaad sa resolusyon ang pagkabahala at pagdududa ng iba’t ibang grupo sa kawalan ng transparency sa pagkasawi ng high-profile inmates sa Bilibid.


Matatandaang tumanggi noon si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag kung talagang COVID-19 ang ikinamatay ni Sebastian bunsod ng paggiit nito sa Data Privacy Act ngunit kalaunan ay kinumpirma na ng Department of Justice (DOJ) at ng BuCor na nasawi nga ang drug lord sa Coronavirus Disease.

Sa siyam na high-profile inmates, walo sa mga ito kasama si Sebastian ay ‘COVID-19’ ang nakalagay sa death certificates habang ang isang detainee na si Francis Go ay ‘hypoxia and severe pneumonia’ na iniuugnay sa COVID-19 ang dahilan ng pagkamatay.

Tinukoy pa sa resolusyon na ang infected inmates na nasawi ay mula sa ‘Building 14’ kung saan highly secured ang pasilidad at kanya-kanyang selda ang mga preso na malayo sa sitwasyon ng ibang bilangguan pero dito naitala ang maraming bilang ng mga nagkasakit at namatay sa COVID-19.

Facebook Comments