Hindi katanggap-tanggap para kay Senator Nancy Binay ang pagkasayang ng 348 vials ng COVID-19 vaccine sa bayan ng Makilala sa Cotabato makaraang maiwanan ito sa freezer habang walang kuryente sa loob ng dalawang araw.
Dahil dito ay iginiit ni Binay sa Department of Health (DOH) na higpitan ang direktiba sa local health units na istriktong sundin ang protocols sa pag-handle ng mga bakuna.
Diin ni Binay, napakahalaga ng bakuna para mabigyang proteksyon ang mamamayan laban sa COVID kaya dapat siguraduhin na ito ay nasa maayos at tamang kondisyon sa lahat ng oras.
Ayon kay Binay, walang puwang ang kapabayaan at pagiging deadma dahil kumplikado at nangangailangan ng matinding pag-iingat ang pagbyahe at pag-handle sa mga COVID-19 vaccines.
Dagdag pa ni Binay, huwag naman sanang umabot sa punto na kailangan pa nating kumuha ng ‘Pridyider Czar’ para lang i-monitor kung nasa maayos na storage ang mga bakuna.
Ayon kay Binay, SOP na dapat ang constant checking at counter-checking sa bawat stage ng proseso para sa mga bakuna laban sa COVID-19.