
Pinaiimbestigahan ni Senator Joel Villanueva ang mga opisyal ng Department of Health (DOH) na sangkot sa pagkasayang ng mga gamot, bakuna at iba pang medical supplies.
Batay sa report ng Commission on Audit (COA) aabot sa P11.8 billion ang halaga ng mga na-expire at nasayang na bakuna laban sa COVID-19 at medical supplies noong 2023.
Inihain ni Villanueva ang Senate Resolution 1326 na layong tukuyin ang responsable sa posibleng kapabayaan o katiwalian sa nangyari.
Kailangan aniya itong maimbestigahan upang hindi na maulit ang pagsasayang ng pondo sa annual procurements ng DOH.
Naniniwala ang mambabatas na posibleng resulta ng kakulangan sa pagpaplano, distribusyon at monitoring system ang under utilization ng health products at pagkasayang ng pera ng bayan.