Pagkasira ng mga computer at dokumento ng PhilHealth sa Region 1 dahil sa malakas na ulan, pinaiimbestigahan na ng PACC

Pinaiimbestigahan na ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica ang kumalat at natanggap nitong impormasyon na nasira ang mga computer at dokumento ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Region 1 dahil sa malakas na ulan.

Ayon kay Belgica, nagpadala na sila ng agents mula sa National Bureau of Investigation (NBI) para tingnan at tiyakin kung tama ang nakarating na balita sa kanilang ahensya.

Ang opisina ng PhilHealth sa Region 1 ay nasa ilalim ng imbestigasyon kaugnay sa sinasabing hindi pagtugon nito sa 200 kaso ng pandaraya kabilang na ang pagkakaroon umano ng ghost patients.


Kasabay nito, sinabi ni Senator Panfilo Lacson na dapat may masampahan ng kasong kriminal at administratibo dahil sa maling implementasyon ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).

Partikular na dapat kasuhan ng Malversation of Public Funds or Property ay ang mga opisyal ng PhilHealth na nag-apruba sa pondo sa Dialysis Center at Maternity Care Providers.

Giit ni Lacson, hindi dapat pinagbigyan ng IRM funds ang mga Dialysis Center at Maternity Clinics dahil hindi sila saklaw ng IRM.

Facebook Comments