CAUAYAN CITY- Isa sa mga pinapangambahan ng mga magsasaka sa posibleng paghagupit ni bagyong Marce ay ang pagkasira ng kanilang pananim na mais at gulay sa brgy. Guayabal, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng IFM News Team kay Wilma Guzman, Kagawad sa nabanggit na barangay, kadalasang apektado tuwing bagyo ang mga magsasaka sa kanilang lugar kung saan matinding pagkalugi ang dinaranas ng mga ito.
Aniya, may mga pagkakataon na halos ipamigay na lamang ng mga magsasaka ang kanilang pananim dahil sa baba ng presyo nito.
Bagama’t hindi na bago para sa mga magsasaka ang ganitong sitwasyon ay hindi pa rin nila maiwasan na malungkot dahil tila bang walang pinatutunguhan ang kanilang pagod sa pagtatanim.
Kaugnay nito, nakahanda naman ang hanay ng Brgy. Guayabal sa pag-responde sa mga nangangailangang residente ngayong naakataas sa signal no. 2 ang Lungsod ng Cauayan.