Pagkasunog ng MV Lady Mary Joy 3 na ikinasawi ng 29, dapat tiyaking may mananagot

Iginiit ni House Committee on Natural Resources Chairman at Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., na dapat may managot sa nangyaring pagkasunog ng MV Lady Mary Joy 3 sa karagatang sakop ng Basilan.

Diin pa ni Barzaga, dapat ay pahintuin na muna ang paglalayag ng iba pang barko ng naturang shipping line.

Naniniwala si Barzaga na kung walang nagpabaya sa trabaho ay hindi sana nangyari ang naturang trahedya kung saan 29 ang nasawi.


Bunsod nito ay kinakalampag ni Barzaga ang Maritime Industry Authority o MARINA at Philippine Coast Guard o PCG para alamin ang puno’t dulo ng pagkasunog ng MV Lady Mary Joy 3.

Naniniwala si Barzaga na posibleng overloaded ang MV Lady Mary Joy 3 lalo’t hindi tugma sa record ng PCG na 205 passengers ang bilang na nailigtas na umaabot sa 195 at bilang ng mga nasawi.

Tinukoy rin ni Barzaga ang pahayag ni Mayor Arsina Kahing-Nanoh ng Hadji Muhtamad, Basilan na nahirapan ang mga awtoridad sa rescue operation dahil sa inaccuracy ng passenger manifesto.

Facebook Comments