Nagbabala si Philippine National Police Chief General Rodolfo Azurin Jr., sa mga pulis na masasangkot sa indiscriminate firing lalo na ngayong nalalapit ang Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay PNP Chief Azurin, mawawalan na ng pribelehiyo ang sinumang pulis na masasangkot dito.
Ibig sabihin, lifetime revocation ng lisensya sa baril ang haharapin nilang kaparusahan.
Maliban dito, matatanggal din sila sa serbisyo na nangangahulugang pagkawala sa isang iglap ng kanilang benepisyo.
Kung may nadamay man sa kanilang walang habas na pagpapaputok, garantisadong papanagutin ito sa batas.
Una nang sinabi ng pamunuan ng PNP na hindi nila ipatutupad pa ang paglalagay ng selyo o busal sa mga baril ng mga pulis.
Tiwala kasi ang PNP Chief na hindi aabusihin ng mga pulis ang paggamit ng kanilang mga baril ngayong holiday season.