Pagkatengga ng 40 milyong COVID-19 vaccine, hindi kasalanan ng LGUs

Ikinagulat ni Senador Imee Marcos na nasa 40 million doses ng COVID-19 vaccine ang nananatiling nakatengga at hindi pa nagagamit.

Pero agad nilinaw ni Marcos na hindi ito dahil sa kapabayaan ng Local Government Units o LGUs na ang karamihan ay desperado pa nga aniyang makakuha ng supply ng mga bakuna.

Giit ni Marcos, ang pagkatengga ng mga bakuna ay dahil sa sala-salabat na aberya o usapin sa logistics ng Department of Health, Bureau of Customs o sa magulong distribusyon at sa pag-iimbakan.


Tinukoy rin ni Marcos na dahilan ang pagiging archipelagic o pulo-pulong mga bahagi ng Pilipinas kaya komplikado ang paghahatid at pag-iimbak ng mga bakuna sa mga island province.

Binanggit din Marcos na isa pa sa pangunahing dahilan ng pagkaantala ng pagbabakuna ay ang vaccine hesitancy o patuloy na pag-aatubili na magpabakuna.

Ayon kay Marcos, ang kawalan ng tiwala sa bakuna ay hindi natutugunan ng kasalukuyang mga public information campaign.

Facebook Comments