Pagkatuto ng mga estudyante, pinatututukan sa pamahalaan ngayong hindi na global health emergency ang COVID-19

Pinatututukan ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang pagkatuto ng mga kabataan ngayong maaari nang bumalik sa normal ang sitwasyon matapos na alisin ng World Health Organization (WHO) bilang global health emergency ang COVID-19.

Ayon kay Gatchalian, makikita sa mga pagsasaliksik na nitong pandemya ay talagang bumaba o naging mabagal ang kaalaman ng mga estudyante kung saan 90 percent ang hindi marunong bumasa at hindi nauunawaan ang kanilang binabasa.

Dahil dito, iginiit ni Gatchalian na kailangang maghabol sa pag-aaral ang mga mag-aaral upang hindi mahirapan ang mga ito pagdating ng panahon.


Partikular na pinabubuhusan ng pondo ng senador ang ‘tutoring’ para sa paghasa ng kanilang kaalaman.

Mahalaga aniyang matiyak na makakahabol sa edukasyon ang mga kabataan nang sa gayon ay masiguro ang pagpasok ng mga ito sa kolehiyo, makapagtapos, makapasok sa magandang trabaho at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Dagdag pa ni Gatchalian, bagama’t pwede nang bumalik sa normal na pamumuhay ay batid namang hindi na mawawala ang COVID-19 at kailangan na tayo na mismo ang mag-adjust o mag-adapt sa naturang sakit.

Facebook Comments