Umapela sa pamahalaan ang ilang alkalde sa Metro Manila kasunod ng nalalapit na pagkaubos ng mga bakuna sa kanilang mga lungsod.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, magagamit na ngayong Lunes ang natitirang 1,600 doses ng Pfizer vaccine sa kanilang lungsod habang 3 araw na lamang ang itatagal ng natitirang dose ng Sinovac vaccines.
Maliban sa Marikina, inanunsiyo rin ni Manila Mayor Isko Moreno na bibili pa ng dagdag na bakuna ang lungsod dahil sa limitadong supply.
Dagdag ito sa 800,000 doses ng AstraZeneca vaccine na binili ng Maynila noong unang bahagi ng taon na inaasahang darating ang inisyal na doses sa Setyembre.
Samantala, sa isyu naman ng pag-aalok ng COVID-19 vaccine, ilang alkalde rin ang nanawagan sa publiko na agad itong ipagbigay-alam sa kanila.
Kabilang dito si Parañaque Mayor Edwin Olivarez na bagama’t nilinaw na libre ang mga bakuna sa mga karapat-dapat na residente ay hindi pa rin inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagbebenta ng mga ito.
Habang nagbabala rin si San Juan City Mayor Francis Zamora laban sa mga umano’y nagbebenta ng COVID-19 vaccine maging sa mga slot para sa vaccination.
Nauna nang sinabi ng National Task Force Against COVID-19 na iniimbestigahan na ang mga ulat ng pagbebenta ng COVID-19 vaccine.