Pagkawala ng text scams ngayon, posibleng may kaugnayan sa utos ni PBBM na i-ban ang mga POGO

Napuna ni Senator Grace Poe na walang masyadong nagpapadala ng text scams ngayon mula nang ipag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa.

Ayon kay Poe, kapansin-pansin na kahit bago pa ianunsyo ni Pangulong Marcos ang tungkol sa POGO ban ay nanahimik na ang mga nagpapadala ng text scams mula nang sunud-sunod ang raid at pagpapasara sa mga ito.

Mas lalong tumitibay ang paniniwala ni Poe na may kinalaman talaga ang mga nag-o-operate ng POGO sa bansa dahil sa kabila ng pagsasabatas ng SIM Registration Act ay patuloy pa rin sa pamamayagpag ang text scams hanggang sa matunton nga ngayon ang problema sa mga POGO.


Aniya, ang pahayag ni PBBM na ipinagbabawal na sa bansa ang lahat ng mga legal at illegal POGOs ay nagkaroon ng malaking impact o epekto pagdating sa pagkabawas ng mga natatanggap na text scams.

Magkagayunman, nagbabala si Poe na hindi rito natatapos ang problema dahil posibleng gumawa ng paraan ang scammers kung paano muling makapanloloko sa mga kababayan sa ibang paraan.

Dahil dito, hiniling ng senadora ang agad na pag-apruba ng panukalang batas na tutuldok sa lahat ng POGO at iba pang online gambling platforms na nakasasama sa ating mga kababayan.

Facebook Comments